sa saliw ng banyagang wika ng mga kawkasyanong naghuhuntahan ukol sa komplikadong linggong nagdaan sa bansang pinili nilang maging tirahan ay natagpuang muli ng aking mga daliri ang sutla ng mga tiklado ng aking kompyuter na naluluma na sa pag-iral para sa pantawid-gutom at uhaw sa kasayahan. naalala ko ang aking lolong si cicero, di mo nga naman maibabahagi ang bagay na wala sa iyo.
nakakabaliw ang piniling landas ng aking mga paa. isang lansangan na walang direksyon at lahat ay wala sa katinuan. bago ko mamalayan, pagod na pala ako at wala na akong naisalbang lakas para magpatuloy sa walang patutunguhang paglalakbay. nasaan na nga ba ako? gaano na ba kalayo ang aking narating? nagkaroon ba ng kabuluhan ang aking pag-iral?
tunay na mahirap ang komprontasyon sa iyong sarili. para kang nakikipasuntukan sa iyong anino. pinipiga ng magkakahalong emosyon ang buo mong pagkakatao at magsasabi sa iyong “ikaw ay walang kabuluhan”. natutunan ko sa isang bagong kaibigan ang isang importanteng aral na sapat siguro upang ituloy ko pa ang paglalakad.
wala pa akong natatanaw na liwanag sa dulo ng lagusan. sumusuko na ang aking mapagkunwaring lakas. pero sisikapin ko pa ring buhatin ang aking mga namimigat na paa. isang hakbang bawat isang pagkakataon. walang direksyon. suntok sa buwan. nawa’y may marating. nawa’y magkaroon ng kabuluhan…